
Umangat at nagningning ang ganda ni Joy Barcoma ng Bacoor matapos siyang hirangin bilang Miss Philippines Earth 2025 sa grand coronation night nitong Linggo, Agosto 10, sa Okada Manila.
Tinanghal si Barcoma bilang bagong reyna ng kalikasan matapos talunin ang 35 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa at Filipino communities abroad. Ipinasa sa kanya ni Irha Mel Alfeche ng Matanao, Davao del Sur ang korona — si Alfeche ay pumasok sa Top 12 ng Miss Earth 2024 na napanalunan ni Jessica Lane ng Australia.
Kasama sa elemental court ni Barcoma sina Maria Flordeliz Mabao ng Antipolo (Miss Philippines Air 2025), Angel Rose Tambal ng La Paz, Leyte (Miss Philippines Water 2025), at Jaymie Strickland mula sa Filipino community ng Tallahassee, Florida, USA (Miss Philippines Fire 2025).
Tinanghal naman na Miss Philippines Eco-Tourism 2025 si Kriezl Jane Torres ng Talakag, Bukidnon. Ang ibang Top 10 candidates na hindi pumasok sa Top 5 ay awtomatikong itinanghal na runners-up.
Lalaban si Barcoma para sa bansa sa Miss Earth 2025 international pageant, na ang eksaktong petsa at venue ay hindi pa inaanunsyo.
Matatandaang ilang beses nang nag-uwi ng Miss Earth crown ang Pilipinas — sina Karla Henry (2008), Jamie Herrell (2014), Angelia Ong (2015), at Karen Ibasco (2017).
