Trahedya ang sinapit ng isang pamilyang galing sa pamamanhikan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang mini dump truck sa Barangay Christianueva noong Miyerkules ng hapon, Agosto 6.
Ayon sa pulisya, pauwi na umano ang grupo mula sa Barangay Poloy-Poloy matapos ang bersiyon ng pamamanhikan ayon sa tradisyong Muslim, sakay ng truck na may kabuuang 24 katao kasama ang driver.
Dakong alas-5:00 ng hapon, habang binabaybay ang paliko at pababang kalsada sa kabundukan, nawalan umano ng preno ang truck at tuluyang nahulog sa bangin na tinatayang may lalim na 100 metro.
Nasawi ang siyam na sakay habang 15 ang nagtamo ng iba’t ibang sugat, kabilang ang driver. Kinailangan pa ng mga rescuer na magtrabaho hanggang gabi upang mailigtas ang ilang naipit sa wasak na sasakyan.
Ayon sa Police Regional Office (PRO) 12, delikado talaga ang naturang bahagi ng daan. Kinumpirma rin ng Lebak Municipal Police Station na matatarik at mataas ang mga kalsada sa naturang bulubunduking lugar.
Kaagad namang inilibing ang mga nasawi, alinsunod sa tradisyong Muslim.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Sinusubukan pa ng media na makuhanan ng pahayag ang driver, mga nakaligtas, at ang mga kaanak ng mga nasawi.
