
MANILA — “Suggestion lang ‘yon, huwag kayong magalit.”
Ito ang tugon ni Senadora Imee Marcos ngayong Huwebes, Agosto 7, matapos umani ng reaksyon mula sa mga kongresista ang kanyang banat sa liderato ng Kamara, kung saan iminungkahi niyang palitan na ang kanilang House Speaker.
Sa isang forum ng Kapihan sa Senado, nilinaw ni Marcos na ang kanyang mga sinabi ay biro lamang at bahagi ng kanyang paliwanag sa botohan ng Senado noong Miyerkules ng gabi, Agosto 6, kung saan 19 senador ang bumoto pabor sa pag-archive ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Isa si Marcos sa mga bumoto ng “no” sa hakbang na ito.
Sa kanyang talumpati sa plenaryo, birong tanong ni Imee: “Ano kaya kung ang Speaker niyo na lang ang palitan ninyo?”
Nagpatuloy pa siya gamit ang mga salitang “bonjing” at “dambuhalang sanggol” na ikinabit sa kanyang mungkahi—mga salitang mabilis na itinuring ng ilan bilang patama kay Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pero giit ni Imee, hindi niya kailangang i-explain ang punchline—baka raw masira pa ang “biro.”
“Walang niyuyurakang institusyon, wala akong pinipilit. Sabi ko nga, suggestion lang ito. Huwag kayong magalit,” paniniguro ng senadora.
Bukod pa sa kanyang komento tungkol sa liderato, ibinunyag din ni Marcos na may ilang mambabatas umano sa Kamara na naghihintay ng “basbas” mula sa Malacañang bago kumilos para sa leadership change.
“Maraming abangers… pero hindi dumating ang basbas, yun ang problema,” aniya.
“Ang sabi ng isang matandang kongresista sa akin, marami kami rito, lahat bumoboto. Pero ang tanging botong inaabangan ay ang boto ng Malacañang.”
Hindi ito ang unang beses na nagbitaw ng kontrobersyal na komento si Imee Marcos tungkol sa kapwa niya opisyal sa gobyerno, pero para sa kanya, katotohanan lang ang kanyang binabanggit—at ito raw ay bahagi ng malayang diskurso sa Senado.
