
BABALA: Sensitibong larawan
DEDBOL ang isang rider habang sugatan ang kanyang nakababatang kapatid at kaibigang dadalhin sana nila sa pagamutan nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa posteng bakal sa Caloocan City, Martes ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Dr Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang driver ng motorsiklo na si alyas “Aaron”, 27, habang kritikal ang nakababata niyang kapatid na si alyas “Andre”,18.
Inilipat naman sa Caloocan City Medical Center ang kanilang kaibigan na isusugod sana nila sa ospital matapos mapalo ng bote sa isang inuman.
Sa ulat na nakarating kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Jerry Protacio, mabilis na tinatahak ng tatlo ang kahabaan ng Camarin Road dakong ala-1:10 ng gabi patungo sa pagamutan nang mawalan ng kontrol sa manibela si Aaron pagsapit sa pakurbang bahagi ng daan hanggang sumalpok sa bakal na poste na lalagyan ng traffic signage.
Tumilapon ang tatlo sa motorsiklo at pawang walang malay nang isugod sa pagamutan sanhi ng pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na “self-accident” umano ang nangyari na sanhi ng sobrang tulin ng takbo ng motorsiklo.
