Dinagsa ng tao ang unang unang araw ng voter registration para sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), matapos umabot sa halos 880,000 ang bilang ng mga aplikante sa loob lamang ng isang araw.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, umabot sa 881,772 ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro sa unang araw ng registration noong Agosto 1.
“Ito na ang pinakamatagumpay na voter registration sa kasaysayan ng bansa,” pahayag ni Garcia, matapos makuha ang pinakamataas na bilang ng registrants sa loob ng isang araw lamang.
Batay sa datos ng Comelec, nanguna sa dami ng bagong aplikante ang Region III (Central Luzon) na may 208,398 rehistrado, sinundan ng Region IV-A (Calabarzon) na may 102,235, National Capital Region (NCR) na may 64,131, at Region I (Ilocos Region) na may 52,372.
Samantala, pinakamababa naman ang tala sa Cordillera Administrative Region (CAR) na may 12,987 rehistrado. Mayroon ding 6,048 aplikasyon na natanggap sa mga Special Registration Anywhere Program (SRAP) sites ng Comelec.
Magpapatuloy ang voter registration hanggang Agosto 10, habang ang mga SRAP sites ay bukas hanggang Agosto 7 upang mas marami pang mamamayan ang makahabol.
Target ng Comelec na makapagtala ng hindi bababa sa isang milyong bagong botante sa buong registration period.
“Huwag nating sayangin ang karapatang bumoto — magparehistro na!” paalala ng Comelec sa publiko. (ARSENIO TAN)
