Dahil nananatiling isa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay sa Pilipinas ang diabetes, mas pinaigting ng Department of Health (DOH) ang mga programa para sa maagang pagsusuri at pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa sakit na ito.
Kasabay ng kampanya para sa Diabetes Awareness Week, nagsagawa ang DOH ng libreng health risk assessment at glucose testing sa Barangay San Isidro, Parañaque, pati na rin sa mga karatig-komunidad.
Nakapagbigay sila ng serbisyo tulad ng pagsukat ng blood pressure, BMI assessment, glucose test, at pagsusuri sa mata. Mahigit 300 residente ang nag-avail ng libreng screening sa naturang aktibidad.
“Layunin ng aktibidad na palakasin ang kaalaman, maagapan ang diabetes, at gawing abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino,” ayon sa DOH.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (2024), ang diabetes ang ikalimang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa. Kabilang sa mga pangunahing sanhi nito ang maling pagkain, partikular ang sobrang pag-inom ng matatamis na inumin.
Paliwanag ng DOH, maaaring magdulot ang diabetes ng malubhang komplikasyon tulad ng stroke, atake sa puso, pagkabulag, pagputol ng paa o kamay, at pagkasira ng bato.
Binigyang-diin ni Dr. Gian Tenorio, Medical Head ng Sanofi Philippines, ang kahalagahan ng tamang impormasyon at empowerment ng pasyente.
“Kapag naunawaan ng pasyente ang kondisyon at mga posibleng lunas, mas nagiging bukas siya sa tamang desisyon at mas sumusunod sa payo ng doktor,” ani Tenorio.
Pinayuhan din niya ang publiko na iwasan ang maling paniniwala, gaya ng takot sa insulin treatment.
“Ang epektibong pangangalaga sa diabetes ay nagsisimula sa tamang impormasyon. Ang doktor ang pinakamahusay na gabay dahil ito ay nakaangkop sa iyong kalagayan,” dagdag niya.
Sa kabila ng mga gamot at lunas na mayroon, aminado ang DOH na marami pa ring Pilipino ang nag-aantala ng pagpapagamot dahil sa takot, hiya, o maling impormasyon.
Dahil dito, tinuturing ng DOH na malaking tulong ang tamang health literacy lalo na sa mga bagong diagnosed na pasyente upang maiwasan ang komplikasyon.
Hinihikayat ng ahensya ang publiko na samantalahin ang mga programa sa komunidad, regular na subaybayan ang blood sugar, at agad magpakonsulta sa health center kapag kinakailangan.
“Bantayan ang iyong blood sugar, kumunsulta sa inyong health center ngayon,” ayon sa DOH.
