SAUDI ARABIA – Dumating na sa Jeddah ang 12 mandirigma ng Gilas Pilipinas para sa isang matinding misyon: makabawi at makapwesto sa tuktok ng FIBA Asia Cup 2025 na pormal nang sisiklab sa Agosto 5!
Bitbit ang matinding dedikasyon, lakas ng loob, at dasal ng milyun-milyong Pinoy, sumakay ang national team pa-Saudi noong Miyerkules ng gabi, Hulyo 30, matapos ang halos dalawang linggong ensayo.
Pasok sa final 12 si Calvin Oftana, na una nang pinagdudahan kung makakalaro dahil sa injury. Pero hindi niya pinalampas ang pagkakataong magsuot muli ng pambansang jersey.
“Para sa bayan. Kasama ko ‘tong grupo na ‘to mula umpisa. ‘Yung pahinga, saka na ‘yon,” ani Oftana sa panayam ng One Sports.
Kasama niya sa kampanya ang mga karibal niya sa PBA Philippine Cup Finals na sina June Mar Fajardo at CJ Perez mula sa San Miguel Beermen.
“Minsan lang ‘to. Kapag para sa Pilipinas, kahit pagod, lalaban. Sana finals agad!” dagdag pa ni Perez.
Bukod kina Oftana, Fajardo at Perez, kasama rin sa roster ang mga Gilas regulars at Ginebra boys: na sina Justin Brownlee, Scottie Thompson, Jamie Malonzo, Japeth Aguilar (kapalit ni Kai Sotto na nasa Japan para sa ACL rehab), Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, AJ Edu at Chris Newsome.
Hindi na isinama sina Troy Rosario at RJ Abarrientos na siyang huling na-cut mula sa extended Gilas pool.
Target ng Gilas ngayong taon ay lampasan ang 9th place finish noong 2022, ang pinakamasamang pagtatapos ng Pilipinas mula pa noong 2007.
Makakaharap ng Gilas sa Group Stage ang matitinding kalaban na Chinese Taipei, New Zealand at Iraq.
Kasama sa preparasyon ang friendly game kontra Jordan para subukan ang chemistry at conditioning ng koponan.
Isang buhos ng dasal at suporta ang kailangan ng Gilas 12 mula sa buong sambayanang Pilipino. (RON TOLENTINO)
