BINANGONAN, RIZAL — Isang trahedya ang naganap sa Pritil Wharf, Brgy. Libis matapos tumalon sa lawa ang isang hindi pa nakikilalang babae na umano’y may kondisyon sa pag-iisip.
Kinumpirma ng mga awtoridad na wala na itong buhay nang matagpuan kinabukasan matapos ang isinagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa imbestigasyon ng Binangonan Municipal Police Station (MPS), bandang alas-10:06 ng gabi noong Hulyo 29, 2025, nakita ng saksi na si Arceli Arada, isang 65-anyos na fish vendor, ang babae na nasusuka sa gilid ng lawa. Matapos iyon, bigla na lamang itong lumakad papunta sa tubig at tumalon.
Agad na humingi ng tulong si Arada sa mga kapwa tindera at sa mga miyembro ng Philippine Coast Guard na nakaistasyon sa lugar. Mabilis namang rumesponde ang PCG at nagsagawa ng search and rescue operation, ngunit hindi naging matagumpay ang unang operasyon dahil sa masamang panahon.
Alas-7:00 ng umaga ng Hulyo 30, muling nagsagawa ng paghahanap ang PCG na pinangunahan ni PCG Rodel Angelo Castuciano, 28-anyos na miyembro ng coast guard. Dito na nila natagpuan ang bangkay ng babae sa lawa—wala nang buhay.
Batay sa mga saksi, apat na araw pa lamang naninirahan ang babae sa Pritil Wharf, at pinaniniwalaang may iniindang mental health condition.
Ang biktima ay tinatayang nasa edad 25-35 taong gulang, may taas na 4’10” hanggang 5’1”, humigit-kumulang 50 kilo, may kulot na buhok hanggang balikat, at suot ang dilaw na t-shirt at black-and-white na shorts nang matagpuan.
Patuloy ang koordinasyon ng pulisya at barangay officials para sa pagkakakilanlan ng nasabing babae at pag-abot ng tulong sa posibleng mga kaanak nito.
