Sugatan ang isang lasing na lalaki matapos barilin ng pulis sa gitna ng tensiyonadong engkuwentro nitong Miyerkules ng umaga, Hulyo 30, sa Grava Falls, Carolina Village, Sitio Leyva 2, Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City.
Kinilala ang suspek bilang si alyas Arle, lalaki, nasa hustong gulang, at residente ng lugar.
Ayon sa pulisya, kilala umano ito sa barangay sa pagkakasangkot sa mga kaso ng pagnanakaw at panghoholdap.
Dakong alas-10:15 ng umaga, rumesponde ang mga barangay tanod at mga pulis na sina Pat. Evan Borela at Pat. John Morris Morante sa isang reklamo ng Alarm and Scandal. Pagdating sa lugar, nadatnan nilang lasing ang suspek at armado ng sumpak, habang nagwawala sa kalsada.
Sinubukan ng mga awtoridad na kausapin at pakalmahin ang suspek, ngunit sa halip na sumuko, itinutok nito ang sumpak sa mga pulis—tila may intensyon umanong mamaril.
Dahil sa banta sa buhay ng mga pulis, napilitan si Pat. Borela na gumanti at nagpaputok ng baril, na tumama sa ibabang bahagi ng katawan ng suspek para ito’y mapigil.
Matapos ma-neutralize ang banta, agad na inaresto at dinisarmahan ang suspek. Narekober sa kanya ang sumpak na may lamang isang bala ng kalibreng .38. Dinala rin agad sa Rizal Provincial Hospital ang sugatang lalaki para sa medikal na atensyon.
Nahaharap ngayon si Arle sa mga kasong Attempted Homicide, Alarm and Scandal, at paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Antipolo City Police hinggil sa insidente.
