Nanawagan si Senator Win Gatchalian ng mabilis at matinding aksyon mula sa pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng siyam (9) na Pilipinong seafarers na hawak ngayon ng Houthi rebels sa Gitnang Silangan.
“Hindi na dapat patagalin. The Philippine government should leave no stone unturned in securing the safe release of 9 Filipino crewmen,” mariing pahayag ng senador nitong Miyerkules.
Hinimok ni Gatchalian ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na agad makipag-ugnayan sa mga kaalyadong bansa at pandaigdigang partner na may impluwensiya at kakayahang tumulong sa negosasyon para sa ligtas na paglaya ng mga Pilipinong bihag.
“I reiterate my condemnation of any acts that endanger the lives of innocent civilians and disrupt international maritime commerce. Hindi katanggap-tanggap na nadadamay ang mga kababayan nating marangal na nagtatrabaho sa mga ganitong nakakabahalang sitwasyon,” dagdag pa ni Gatchalian.
Ang insidente ay nagpapakita ng patuloy na banta sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa mga delikadong lugar sa buong mundo.
Nanindigan si Gatchalian na nararapat lamang na bigyang-prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan at karapatan ng bawat Pilipino sa ibayong dagat, lalo na sa panahon ng krisis.
