Larawan mula kay Rep. Paolo Duterte.
Sa gitna ng tensyong bumabalot sa Kamara, nag-walk out si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte at tatlong iba pang mambabatas mula sa Davao habang kasagsagan ng roll call sa Speakership vote nitong Lunes, Hulyo 28, at nagdeklara ng kanilang sarili bilang “independent bloc.”
Kasama ni Pulong sa biglaang pagbaklas sina Rep. Omar Duterte (Davao City 2nd District), Rep. Harold Duterte (PPP Party-list) at Rep. Isidro Ungab (Davao City 3rd District).
Sa isang matapang na pahayag sa Facebook, sinabi ni Pulong:
“Hindi ako tumakbo para makisabay sa bulok na laro. Tumakbo ako para sa mga Dabawenyo — may dangal, may paninindigan, at may tapang na layasan ang mali!”
Aniya, hindi raw siya “Dabawenyo for nothing” at hindi papayag na maging bahagi ng mga “political puppeteers at self-serving actors” sa Kongreso.
Ayon sa apat, hindi sila papanig sa majority o minority bloc.
“Gusto naming magsilbi nang walang partidong iniintindi. Ito ang tunay na serbisyo — tapat, walang takot, walang kinikilingan,” ayon sa magpinsang Omar at Harold Duterte.
Sinabi rin ni Ungab na may kasaysayan ang pagiging independent sa mga lehislatura sa buong mundo.
“Hindi ito bago. Sa US, UK, at maging sa atin, may mga mambabatas na piniling tumayo sa sarili nilang prinsipyo kaysa sumama sa pulitika ng kompromiso,” giit niya.
Sa kabila ng walkout ng Davao group, si Rep. Martin Romualdez pa rin ang nag-iisang nominado bilang House Speaker para sa ika-20 Kongreso — sa ilalim ng Lakas-CMD.
Tahimik pa ang liderato ng Kamara sa naging hakbang ng grupo, pero sa dami ng political maneuvering na nagaganap, malinaw na ang pag-alis ng Davao bloc ay babala sa mas malalim na gusot sa loob ng Kongreso.
