Batangas — Walong Persons Deprived of Liberty (PDL) ang naaresto matapos tumakas mula sa Batangas Provincial Jail sa Barangay Malainin, Ibaan, Batangas nitong Lunes, Hulyo 28, 2025.
Ayon sa ulat ng PNP Region 4A, naganap ang insidente pasado alas-9:30 ng umaga habang inihahatid ng isang prison guard ang ilang PDL sa public utility room. Isa sa mga preso ang tinutukan ang jail guard gamit ang ice pick at inagaw ang service firearm. Sinamantala ng iba pang bilanggo ang kaguluhan at tumakas patungong Brgy. Quilo, Ibaan.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang Ibaan Municipal Police. Dakong alas-10:44 ng umaga, tatlo sa mga pugante na sina alyas “Cesar,” “Zieg,” at “Bob” ang naaresto sa Sitio Burol, Brgy. Coliat.
Samantala, bandang 1:30 ng hapon, natunton ang limang iba pa matapos sumakay sa isang ALPS bus na bumabaybay sa STAR Tollway. Hinarang ito ng Sto. Tomas City Police sa boundary ng Tanauan at Sto. Tomas. Mapayapang sumuko ang mga pugante na sina alyas “Armando,” “Norman,” “Dennis,” “Michael,” at “Lester.”
Narekober mula sa kanila ang isang 9mm Llama pistol, mga bala, magazine, balisong, ilang susi, at ₱59,673.00 na pera. Sa ngayon, nasa kustodiya na sila ng Sto. Tomas CCPS para sa dokumentasyon at muling pagbabalik sa kulungan.
Pinuri ni PBGEN Jack Wanky, Regional Director ng PRO4A, ang mabilis na kilos ng mga pulis at ang matagumpay na operasyon. “Hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga tumatakas sa batas. Higit sa lahat, prayoridad namin ang kaligtasan ng publiko,” pahayag niya.
Ang mga nasabing PDL ay may mga kasong may kinalaman sa iligal na droga, robbery, homicide, direct assault, kidnapping, at murder.
Patuloy naman ang manhunt para sa dalawang natitirang pugante. Nananawagan ang PNP sa publiko na i-report agad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. (ERICHH ABRENICA)
