Mahigit 400 aplikante ang dagsa sa Cainta Municipal Hall nitong Lunes, Hulyo 28, para maging bahagi ng isang matinding cleanup operation sa buong Imelda Avenue—layong tanggalin ang mga bara sa kanal at drainage na nagdudulot ng matinding pagbaha sa bayan.
Ang proyekto ay resulta ng “Flood Summit” na pinangunahan ni Cainta Mayor Keith Nieto, kasunod ng mahigit isang linggong walang tigil na ulan na lumubog sa mga kalsada at subdivision ng bayan.
“Ang misyon natin ay linisin ang lahat ng baradong kanal at madiskubre ang mga sirang linya para mapalitan at maayos,” giit ni Nieto.
Ayon sa alkalde, hindi na biro ang pinsalang dulot ng baha sa Cainta. Kaya’t isinulong niya agad ang pagbuo ng 400-kataong clean-up team na tututok sa mga kritikal na lugar.
“Walk-in na ang mga aplikante. Diretso sila sa opisina para sa orientation—ipinaramdam ko sa kanila na seryoso tayo rito!” ani Nieto sa kanyang social media post.
Ang proyekto ay tatagal ng tatlong buwan at bawat manggagawa ay sasahod ng ₱560 kada araw, ayon sa kasunduan ng alkalde at ni DOLE Secretary Benny Laguesma.
Sakop ng operasyon ang Vista Verde, Village East, Greenpark, Filinvest, Karangalan, Cypress, Country Homes, Kasibulan, Dacon Homes, Gruar, CVS Homes, Villa Olympia, Serra Monte, Eastville at Katarungan Village na matindi ang inabot mula sa habagat at mga nakaraang bagyo.
Ang bawat Homeowners’ Association (HOA) ang magiging katuwang ng munisipyo sa pagtukoy, pag-uulat, at pagsumite ng lingguhang scope of work para mamonitor ang progreso.
“HOA mismo ang magrereport at magbibigay ng timeline ng completed streets kada linggo,” dagdag ni Nieto.
Hindi lang ito pansamantalang trabaho—may tsansa pa raw na maging regular ang mga manggagawa depende sa kanilang performance. “Munisipyo ang bibili ng lahat ng gamit, at kung maganda ang trabaho ng isa, may tsansang ma-regular sa serbisyo,” ayon kay Nieto.
