Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Pilipinas ay mas mapayapa na ngayon at mas gumagalang sa karapatang pantao, bunsod ng pinaigting na kampanya laban sa krimen, insurhensiya, at iligal na droga—kasabay ng tinatawag niyang Bagong Pilipinas.
Sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 28, sinabi ng Pangulo na hindi lamang pinalakas ang puwersa ng militar at pulisya, kundi sinamahan pa ito ng suporta para sa mga dating rebelde at kanilang mga komunidad.
“Ang kapayapaan ay mahalagang pundasyon ng Bagong Pilipinas, kaya pinapatatag natin ito kasabay ng ating pag-unlad,” ani Marcos.
Ipinagmalaki ni Marcos na wala nang natitirang grupong gerilya sa bansa, at nangakong hindi na muling papayagan ng gobyerno na mabuo pa ang alinmang armadong kilusan.
“Sa wakas, wala na ring nalalabing grupong gerilya sa bansa, at titiyakin ng pamahalaan na wala nang mabubuo muli,” aniya.
Sinabi rin niyang nagtutulungan na umano ang mga dating rebelde, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP) para sa kaayusan sa Bangsamoro region.
Kasabay nito, ipinagmalaki ng Pangulo ang mga proyekto gaya ng health stations, classrooms, water systems, at streetlights na ngayo’y nakikinabang ang mahigit 13 milyong Pilipino sa mga lugar na dating balwarte ng kaguluhan.
Upang mas mapalakas ang tiwala ng publiko sa kapulisan, iniutos ni Marcos na dapat rumesponde ang mga pulis sa loob ng limang minuto sa bawat emergency call.
“Ang puwersa ng ating kapulisan ay nagbabantay at rumuronda… sila ay reresponde sa loob lamang ng limang minuto,” wika ng Pangulo.
Ayon kay Marcos, mahigit ₱82.9 bilyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Umabot din sa 1.5 tonelada ng shabu ang nawasak at 153,000 katao ang naaresto—kabilang ang 9,600 high-value targets, 670 government personnel, 100 opisyal ng gobyerno, at 50 pulis.
“Sa tatlong taon lamang, halos mapantayan na ang kabuuang huli noong nakaraang administrasyon,” giit niya.
Ipinangako rin ni Marcos na papanagutin ang mga nasa likod ng mga kaso ng nawawalang indibidwal na konektado sa ilegal na online gambling at e-sabong.
“Hahabulin at pananagutin natin ang mga utak at mga sangkot, sibilyan man o opisyal… kahit malakas, mabigat, o mayaman,” ani Marcos.
Bagamat inaangkin ni Marcos na mas “makatao” ang kasalukuyang kampanya, inamin din niyang nananatili ang trauma ng mga naging biktima ng krimen.
“Kahit pa sinasabing bumababa ang antas ng krimen, walang ibang makapagpapalubag ng pangamba ng mga naging biktima mismo,” saad niya.
Ang kanyang administrasyon umano ay lumilihis sa marahas na estilo at ngayo’y nakatuon sa reintegrasyon, kabuhayan, at kaunlaran ng komunidad. Ngunit para sa mga human rights groups, hindi sapat ang retorika—ang tunay na batayan ay hustisya, pananagutan, at respeto sa karapatang pantao sa bawat operasyon.
