Matapos ang matinding bakbakan sa PBA Philippine Cup Finals, agad na bumalik sa national team duties sina June Mar Fajardo, CJ Perez, at Calvin Oftana para sa Gilas Pilipinas.
Nakisali na ang tatlo sa huling araw ng Gilas training camp sa Hustle Fitness, Pampanga noong Linggo, Hulyo 27, kahit na halos kakalabas lang nila sa exhausting 6-game Finals showdown.
Panalo sina Fajardo at Perez kasama ang San Miguel Beermen, habang nabigo naman si Oftana at ang TNT Tropang Giga na makamit ang Grand Slam.
“Gilas Pilipinas ends its camp in Pampanga,” ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas, kasabay ng post na may larawan ng tatlo kasama si TNT assistant coach Josh Reyes.
Bagamat balik ensayo na, hindi pa inaasahang maglalaro sina Fajardo at Oftana sa sendoff game kontra Macau Black Bears dahil kapwa may iniindang injury — calf injury para kay June Mar, habang si Oftana ay may calf at ankle issues.
Samantala, si CJ Perez, kahit pagod, ay buong giting na nagpakitang handa na ulit para sa bayan.
“Hindi mo maiisip ‘yung pagod pag nanalo ka eh. Kahit may susunod na game, excited ka kasi para sa bayan. Matagal-tagal na rin akong naglalaro para sa Gilas, so always excited ako,” pahayag ng Beermen star.
“I’m grateful and honored na i-represent ang bansa,” dagdag pa niya.
Kasama ni Perez sa Gilas pool sina AJ Edu, Carl Tamayo, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Chris Newsome, Jamie Malonzo, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, RJ Abarrientos, at Troy Rosario.
Nakatakdang lumipad ang Gilas sa Hulyo 30 papuntang Jeddah, para tapusin ang preparasyon nila kontra sa Iraq, New Zealand, at Chinese Taipei sa 2025 FIBA Asia Cup.
