Patuloy na pinapalakas ng dalawang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang habagat o southwest monsoon, ayon sa ulat ng PAGASA ngayong Lunes, Hulyo 28, na nagdudulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng kanlurang Luzon.
Ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina, ang Tropical Storm Co-may (dating “Emong”) ay huling namataan 985 kilometro sa hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, patungong China.
Kasabay nito, isang bagyo pa na may international name na “Krosa” ay nasa layong 2,455 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, ngunit hindi ito inaasahang papasok sa PAR.
Bagamat nasa labas ng bansa ang mga bagyong ito, patuloy silang humihila ng moist winds papaloob sa ating kapuluan, dahilan ng malalakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Ngayong Lunes, inaasahang makakaranas ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan ang mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales at Bataan
Samantala, may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm din sa mga lugar gaya ng Metro Manila, Cagayan Valley, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Occidental at Oriental Mindoro, at ang nalalabing bahagi ng Central Luzon at Cordillera.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng mainit na panahon sa umaga, pero may tsansa pa rin ng localized thunderstorms tuwing hapon at gabi.
“Inaasahan nating unti-unting huhupa ang ulan sa mga bahagi ng Luzon sa mga susunod na araw,” ayon kay Badrina. “Sa Visayas at Mindanao naman, mananatiling generally fair ang weather.”
Dagdag pa ni Badrina, mababa ang tsansa ng panibagong bagyo na mabubuo sa loob ng susunod na apat na araw. (LIMUEL TOLENTINO)
