Nagpahayag ng matinding panukala si Cavite 4th District Rep. Francis “Kiko” Barzaga nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 25, kung saan iminungkahi niyang patawan ng parusang kamatayan ang mga paulit-ulit na violator ng anti-littering law.
Ayon sa Facebook post ng tinaguriang “Congressmeow”, ang mga simpleng krimen gaya ng pagtatapon ng basura sa maling lugar ay dapat daw may pabigat nang pabigat na parusa para sa mga pasaway.
“1st offense: maliit na multa. 2nd offense: mas malaking multa. 3rd offense: mas malaki pa. Pagdating sa 50th offense — kulong. Sa 100th offense — bitay,” ani Barzaga.

Aniya, hindi raw biro ang epekto ng basura lalo na sa panahon ng pagbaha. Dagdag pa ng mambabatas, “Intentional act ang littering. At kung ginagawa mo ito nang paulit-ulit, sinisira mo ang kapaligiran at pinapahamak ang mga komunidad — lalo na ang mahihirap.”
Hindi pa malinaw kung pormal na isusulong ni Barzaga ang panukalang batas sa Kamara. Sa kasalukuyan, walang umiiral na death penalty sa bansa mula nang ito’y tuluyang i-abolish noong 2006 sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Ang huling paraan ng bitay sa bansa ay lethal injection.
Bagamat kinilala bilang “eccentric” o kakaibang kongresista, umani ng iba’t ibang reaksiyon ang post ni Barzaga. May mga pumuri sa kanyang matapang na paninindigan laban sa mga makakalat, habang ang iba’y tinawag itong OA at labag sa karapatang pantao.
