Muling inilunsad ng BPO Industry Employees Network (BIEN Philippines) ang State of the BPO Workers Address (SOBWA) 2025 ngayong Sabado, Hulyo 26, bilang paghahanda sa nalalapit na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bitbit ng grupo ang panawagan para sa ₱36,000 national entry-level salary at ang pagpasa ng ₱1,200 nationwide family living wage, kasabay ng matinding disgusto sa mabagal na tugon ng gobyerno sa magkakasunod na kalamidad na nakaapekto sa milyon-milyong manggagawa sa bansa, kabilang ang sektor ng Business Process Outsourcing (BPO).
Inilunsad din sa SOBWA 2025 ang petisyon na may pamagat na “Protect BPO Workers During Disasters: Declare Imminent Danger Now!”, na naka-address kay Pangulong Marcos Jr. at DOLE Secretary Bienvenido Laguesma. Daan-daang manggagawa na mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lumagda sa petisyon.
Giit ng grupo, sa kabila ng matitinding pagbaha at bagyo, marami pa ring BPO companies ang pinipilit pumasok sa opisina ang mga empleyado na lubhang nalalagay sa peligro.
Sa isinagawang open forum sa Apuyan Bar, sinabi ni Ian Porquia, tagapagtatag ng BIEN, na matagal nang nababalewala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga suliranin ng mga BPO workers.
Ayon kay Porquia, muling isusulong ng Kabataan Partylist ang panukalang Magna Carta for BPO Workers sa ika-20 Kongreso — isang panukalang sinabi ni Marcos Jr. sa kanyang 2022 SONA na “prayoridad” ng kanyang administrasyon.
Sinabi naman ni Renso Bajala, secretary general ng BIEN, na ang sektor ng BPO ay may $38 bilyong kontribusyon sa ekonomiya ng bansa o 8.2% ng GDP, at binubuo ng 1.82 milyong manggagawa. Subalit, aniya, sila ay overworked, underpaid, at walang benepisyo — lalo na tuwing may kalamidad.
“Wala kaming hazard pay, walang emergency leave, kahit binabaha at delikado na,” ani Bajala.
Tinuligsa rin ni Bajala ang bagong ₱50 wage hike sa NCR dahil hindi ito saklaw ang BPO workers. Giit pa niya, AI at automation ang pumapalit sa mga trabaho, at maraming empleyado ang na-float o nawalan ng trabaho.
Binatikos din ng grupo ang kasunduang zero tariff trade deal na pinasok ng administrasyong Marcos, dahil habang walang buwis sa mga produktong US, 19% pa rin ang buwis sa mga export ng Pilipinas.
Bilang bahagi rin ng paggunita sa Customer Service Week sa Oktubre, naghahanda ang BIEN ng panukalang batas ukol sa regulasyon ng Artificial Intelligence (AI) at proteksyon sa mga freelance workers.
Hiling din ng grupo ang mas malawak na healthcare coverage, dagdag na health benefits, at mas malinaw na polisiya sa oras ng emergency. Kasama sa mga dumalo sa SOBWA 2025 ang mga kinatawan mula sa Alorica, Accenture, digital content creators, AI workers, TikTok moderators, at iba pang sektor sa loob ng BPO industry.
