Hindi na nakatiis si Rizal Governor Nina Ynares at muling nanawagan sa national government na ipahinto na ang quarrying operations sa kanilang lalawigan matapos ang halos walang humpay na pagbaha na sumalanta sa iba’t ibang bayan nitong mga nakaraang araw!
Sa kaniyang pagbisita sa isang evacuation center sa Rodriguez, Rizal, isiniwalat ng gobernadora na mula pa noong 2010 ay mariin na nilang tinututulan ang pagmimina at quarrying sa probinsya—pero tila bingi ang ilang ahensya ng gobyerno.
“Sumulat na ako kay DENR Sec. Raphael Lotilla para humiling ng moratorium o tuluyang pagpapahinto ng mga quarrying at mining operations, pati na ang pagkansela sa mga Mineral Production Sharing Agreement (MPSA),” pahayag ni Ynares.
Pero ang masaklap—imbes na ang quarrying ang sisihin, isinisi raw ng DENR ang pagbaha sa “urbanisasyon.”
“Ang daming kaso na nilalabanan namin pero syempre, may korte tayo. Ginagalang namin ang desisyon ng korte. Pero hanggang kailan kami magtitiis habang nilulunod kami ng baha?” dagdag pa niya.
Ayon pa sa gobernadora, dahil sa patuloy na relokasyon ng mga informal settlers sa Rizal mula sa ibang lugar, unti-unti nang nauubos ang open spaces na dapat sana ay sumasalo sa tubig-baha.
“Pag bumagyo, sa amin ang bagsak ng baha—pati Metro Manila, nadadamay!” giit ni Ynares.
