Natagpuang wala nang buhay ang isang 68-anyos na dating reporter matapos pagtatagain ng kainumang negosyante sa isang tindahan sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, bandang alas-4:40 ng madaling ng Hulyo 23, 2025 nang mangyari ang brutal na krimen sa loob mismo ng tindahan ng suspek sa Sitio Wawa, Brgy. San Rafael sa nasabing bayan.
Kinilala ang biktima na si Norberto Javier, dating reporter ng Manila Bulletin at kasalukuyang barangay tanod sa kanilang lugar. Ayon sa paunang imbestigasyon, si Javier at ang suspek na si Victor Enavia y Erandio, 33 anyos, ay magkasamang naiwan sa loob ng tindahan ng huli.
Sa hindi pa malinaw na dahilan, bigla na lang umanong pinagtataga ng suspek ang biktima hanggang sa mawalan ito ng malay. Isang concerned citizen ang agad tumawag sa pulisya para i-report ang insidente.
Rumesponde agad ang mga awtoridad at nadatnan ang biktima na duguan at wala nang malay. Isinugod si Javier sa Ynares Hospital, pero idineklara na itong dead on arrival ni Dr. Kim Pascual.
Agad namang nadakip ang suspek na si Victor, isang negosyante mula sa Sitio Sapa, Brgy. San Rafael, at ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya. Hindi pa malinaw kung anong nagtulak sa kanya para gawin ang krimen.
