Maraming jeepney driver at operator ang nagpahayag ng suporta at pasasalamat sa Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ng Marcos administration matapos ilunsad ang online driver’s license renewal system (ODLRS) gamit ang eGovPH mobile app.
Ayon kay Romeo Magura, isang jeepney driver sa General Trias, malaking tulong ang bagong sistema dahil mababawasan ang abala at gastos sa pag-renew ng lisensya.
“Kahit hindi ko pa nasusubukan, maganda na ito. Hindi na kailangan pumila sa LTO at maiwasan na rin ang mga fixer. Ide-deliver na lang ang lisensya, online na kasi,” ani Magura sa isang panayam sa terminal.
Si Rosalie naman, isang tagatulong sa terminal, ay nagsabing malaking ginhawa ito lalo na sa mga driver na hirap magbasa. Aniya, “Sa cellphone, puwedeng tulungan ng mga anak nila. Hindi na kailangan mawala sa biyahe, kahit gabi o madaling-araw, puwede ka mag-online.”
Pinasalamatan din ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) President na si Orlando Marquez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II sa naturang inobasyon.
“Napakaganda nito, mababawasan ang pila mula student permit hanggang sa rehistro at paglipat ng ownership. Dati headache ‘yan, pero ngayon nasolusyunan na,” pahayag ni Marquez.
Sa bagong ODLRS, maaaring gawin ng driver ang buong proseso ng renewal online—mula sa telemedicine appointment, five-hour driving course, hanggang sa bayaran ng fees. Puwede ring ipadeliver ang lisensya o i-claim sa pinakamalapit na LTO office. May digital copy rin ng lisensya sa eGovPH app.
Dagdag pa ni Marquez, ito na rin ang solusyon para tuluyang mawala ang mga fixer.
“Kahit nasa Mindanao ka o nasa abroad, puwede ka nang mag-renew online. Wala nang fixer-fixer dito,” aniya.
Hinimok niya ang iba pang driver at operator na suportahan ang digitalization program ng gobyerno.
“Sa Bagong Pilipinas, tayo-tayo rin ang magtutulungan para umangat,” pagtatapos ni Marquez.
