Arestado ang limang katao matapos mahuling nagtataapon ng solid waste sa isang bakanteng lote sa Sitio Harangan, Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal nitong gabi ng Hulyo 14, 2025.
Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-9:30 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang mga nagpapatrulyang pulis ukol sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na pagtatapon ng basura sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde ang mga operatiba upang beripikahin ang sumbong. Pagdating sa lugar, naaktuhan nila sina alias Juvy, alias Celso, alias Dennis, alias Kenneth, at alias Jumel habang nagbababa ng basura mula sa kanilang dump truck sa bakanteng lote.
Kaagad na inaresto ang mga suspek at ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan at dahilan ng pagkakaaresto. Dinala muna sila sa Ynarez Hospital para sa medical examination bago inihatid sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga nahuli.
