Sa patuloy na kampanya ng Eastern Police District laban sa ilegal na droga, matagumpay na isinagawa ng Marikina City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang isang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 22-anyos na babae na kinilalang si alyas “Luna,” tinuturing na High-Value Individual (HVI).
Ang operasyon ay isinagawa dakong alas-3:45 ng madaling araw sa Barangay Nangka, Marikina City nitong Hulyo 15, 2025.
Nasamsam mula sa suspek ang humigit-kumulang 18,100 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may Standard Drug Price na tinatayang Php2,172,000.00. Narekober rin ang dalawang pirasong tig-iisang libong pisong marked money na ginamit sa transaksyon.
Ayon sa ulat ng SDEU, ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant kaugnay sa patuloy na pagkakasangkot ng suspek sa bentahan ng ilegal na droga. Nabatid rin sa record ng pulisya na si “Luna” ay nahuli na rin noong Agosto 2018, kasama ang apat pang indibidwal, sa isang drug operation sa Golden Valle Subdivision, Malanday, Marikina City.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Aden T. Lagradante, OIC ng Eastern Police District, pinuri ang mga operatiba ng Marikina SDEU sa matagumpay na operasyon. Aniya, “Ang laban kontra ilegal na droga ay hindi lamang pagpapatupad ng batas, kundi isang misyon para iligtas ang buhay at kinabukasan ng ating mamamayan.”
Dagdag pa ni PBGEN Lagradante, “Patuloy naming hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa aming hanay upang sama-samang buwagin ang mga sindikatong nagpapakalat ng ilegal na droga sa ating mga komunidad.”
Ang naarestong suspek ay dinala sa Marikina City Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon. Sumailalim rin siya sa medical examination sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
