Sa kabila ng presensya ng Department of Justice (DOJ) at ilang miyembro ng media para sa isang technical site assessment, isang team mula sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang siyang nakadiskubre ng isang puting sako na pinaniniwalaang naglalaman ng sunog na buto ng tao, ilang metro lamang mula sa baybayin ng lawa.
Ayon sa DOJ, ang sako ay natagpuan ng CIDG unit na nakapuwesto sa dalampasigan noong Hulyo 10, habang ang DOJ at Philippine Coast Guard ay nasa may 100 metro palayo sa gitna ng lawa para sa kanilang assessment.
Ayon sa imbestigasyon, maliit ang posibilidad na inanod lamang ang sako dahil sa bigat nito—na nag-uudyok ngayon sa mga awtoridad na paniwalaang ito ay sadyang itinapon sa lugar mismo, na malapit pa sa pampublikong bahagi ng baybayin.
“It was found near the shore,” pahayag ni DOJ spokesperson Mico Clavano. “So the working theory is either it was washed ashore or it was dumped only near the shore. But considering the weight of the sack, dumping is the more likely scenario.”
Dagdag pa ni Clavano, nagkaroon muna ng beripikasyon ang CIDG upang tiyaking buto nga ng tao ang laman ng sako bago ito isinapubliko.
“We decided to verify first whether it was human bones or not before releasing information,” ani Clavano. “When CIDG made the determination, that was when we were comfortable to release the information.”
Ipinasa na ang sako sa mga forensic experts para sa pagsusuri. Ayon sa DOJ, isasailalim ito sa dalawang mahalagang test: una, upang kumpirmahin kung buto nga ng tao ang laman; at pangalawa, ang DNA matching upang malaman kung may kaugnayan ito sa mga nawawalang indibidwal.
Ang pagkakadiskubre ng sako sa isang bukas at pampublikong lugar ay nagbigay-daan sa mga panibagong tanong kung may mga ebidensiyang maaaring hindi napansin o naisantabi sa mga naunang paghahanap.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon habang hinihintay ang resulta ng forensic analysis.
