Emosyonal na inialay ni aktor at konsehal Alfred Vargas ang kanyang tagumpay sa pagtatapos sa University of the Philippines School of Urban and Regional Planning (UP-SURP) sa kanyang long-time manager na si Lolit Solis, na pumanaw noong nakaraang linggo.
Si Vargas ang valedictorian ng Diploma on Urban and Regional Planning (DURP) Class of 2025 ng UP Diliman matapos makamit ang General Weighted Average (GWA) na 1.0288, pinakamataas sa kanilang klase. Tumanggap din siya ng Dean’s Medallion para sa natatanging akademikong performance.
Sa kanyang talumpati sa UP Film Center noong Sabado, hindi napigilan ni Alfred ang kanyang emosyon habang inaalay ang tagumpay kay Manay Lolit, ang kanyang manager sa loob ng 21 taon.
“Nay Lolit, para sa ‘yo ang tagumpay na ito,” ani Alfred na halos maiyak sa entablado.
Si Lolita “Lolit” Solis, 78, ay isang haligi sa mundo ng showbiz bilang entertainment columnist at talent manager ng ilang sikat na artista. Pumanaw siya noong Miyerkules, at iniwan ang industriyang kanyang minahal at pinagsilbihan ng maraming dekada.
Sa isang social media post, ipinahayag ni Alfred ang matinding lungkot sa pagkawala ni Lolit:
“Nawalan ako ng Nanay. Nawalan ako ng kaibigan. Nawalan ako ng Ninang, tagapayo, tagapagtanggol, at manager. 21 years tayong magkasama, Nay Lolit. Walang kontrata—honor at pagmamahal ang pundasyon ng ating samahan.”
Nagpasalamat rin siya sa kanyang asawa na si Yasmine at sa kanilang mga anak na sina Alexandra, Aryana, Cristiano, at Aurora, para sa kanilang suporta at pag-unawa sa kanyang pag-aaral at serbisyo publiko bilang konsehal ng 5th district.
Bukod sa kanyang personal na pasasalamat, ginamit din ni Vargas ang entablado para itaguyod ang kabutihan at malasakit sa urban planning.
“Hindi sapat ang ating mga kamay. Kailangan natin ng puso,” diin ni Alfred.
“Hindi sapat ang teknikal na kaalaman para maging urban planner—kailangan natin ng malasakit.”
Aniya, walang halaga ang graduation kung mananatili ang mga urban planner na manhid sa isyu ng korapsyon, kasinungalingan, at kahirapan.
“Ang kabutihan ang ugat ng mabuting pamamahala, social justice, at pagkilala sa dignidad ng bawat tao,” dagdag pa niya.
Bilang bagong valedictorian at public servant, nanawagan si Vargas sa kanyang mga kapwa nagtapos na panatilihin ang prinsipyo at ipaglaban ang tama, lalo na sa panahon ng pagsubok sa bayan.
