Pinalalakas ng Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang kampanya na ikonekta sa internet ang lahat ng pampublikong paaralan sa bansa bago matapos ang 2025. Ito’y kasunod ng opisyal na paglulunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng National Fiber Backbone (NFB) Phases 2 at 3 sa Leyte noong Hulyo 7.
Ang NFB expansion ay magbibigay ng 31 bagong connection points sa Luzon, Visayas, at Mindanao, na magpapabilis sa bandwidth at access sa internet ng mga lalawigan, tanggapan ng gobyerno, at mga pampublikong paaralan, kabilang na ang mga nasa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).
“Mahigit 600 tanggapan ng gobyerno ang magkakaroon ng mabilis at maaasahang internet. Mapapakinabangan ito ng halos 17 milyong Pilipino,” ayon kay Pangulong Marcos. Dagdag pa niya, makatutulong din ito upang mapababa ang gastos sa internet dahil sa pagkakaroon ng sariling imprastruktura ng pamahalaan.
Para sa DepEd, ang NFB ay isang game-changer. Sa halos 47,000 pampublikong paaralan sa ilalim nito, marami pa ang hindi naaabot ng sapat na internet. Sa tulong ng fiber backbone, maisusulong ang Digital Bayanihan Project ng DepEd at DICT para sa mga huling-milyang paaralan.
Isa sa mga patunay ng tagumpay ng proyekto ay ang Bay-ang National High School sa Ajuy, Iloilo. Mula sa pagiging “dead spot,” ngayon ay mayroon na itong libreng WiFi. “Dati, pumupunta pa kami sa kabilang barangay para lang mag-submit ng school reports online. Ngayon, dito na mismo sa paaralan namin nagagawa ang lahat,” ayon sa school head na si Harence Cacho.
Katuwang din ng Digital Bayanihan ang Bayanihan SIM Program, kung saan namahagi ng libreng SIM cards na may data sa 113,000 mag-aaral, 3,800 guro, at 357 pampublikong paaralan. Unang inilunsad ang programa noong Hunyo 27 sa Bulacan, Zambales, at Quezon.
Samantala, inaasahan namang sisimulan sa ikaapat na quarter ng 2026 ang PPP for School Infrastructure Project for Digitalization (PSIP Connect), na layuning maghatid ng digital devices, solar power solutions, at satellite internet packages sa mga underserved schools.
“Hindi natin mapapalago ang kalidad ng edukasyon kung hindi konektado ang ating mga paaralan sa mundo,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara. “Sa tulong ng DICT at buong pamahalaan, isinusulong natin ang digital inclusion na may malasakit.” Sa pagsasakatuparan ng mga proyektong ito, itinataguyod ng administrasyong Marcos ang isang inklusibo at teknolohiyang pinapatnubayang edukasyon para sa bawat mag-aaral at guro, saan mang bahagi ng bansa.
