Inamin ni Vice President Sara Duterte na may hiling ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling bawian ito ng buhay habang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) — at ito ay ang ipa-cremate siya sa The Hague at huwag nang iuuwi ang kanyang katawan sa Pilipinas.
Sa isang panayam matapos dalawin ang dating Pangulo sa detention facility ng ICC nitong Martes (oras sa Maynila), sinabi ni VP Sara:
“Sabi niya kung mamatay siya rito sa Netherlands, ayaw na niyang iuwi pa ang katawan niya sa Pilipinas. Gusto niyang dito na lang siya ipa-cremate at ang abo na lang ang dalhin pauwi.”
Ngunit aminado ang Bise Presidente na hindi siya sang-ayon sa cremation kaya sinabi niyang kailangan pa itong pag-usapan sa hinaharap.
“Sabi ko sa kanya, hindi ako pro-cremation,” aniya. “Tapos tinakot niya ako, sabi niya na multuhin daw niya ako pag hindi ko sinunod ‘yung gusto niya.”
Sa tanong kung ano ang naramdaman niya tungkol sa mga “last wishes” ng ama, sinabi ni VP Sara na natural lamang ito para sa isang 80-anyos.
“Siguro normal lang ‘yan para sa mga kaedad niya, ‘di ba? Maganda na rin na nalaman natin ‘yung huling habilin niya habang maaga pa,” dagdag niya.
Noong una, ibinahagi ni VP Sara na lumaki ang pagbabago sa pangangatawan ng dating Pangulo—mas pumayat umano ito pero mukhang mas malusog pa rin.
Ngayong panibagong bisita, sinabi niyang tila mas bumagay sa kanyang ama ang pagiging slim at mas gumanda pa raw ang kutis nito.
Si dating Pangulong Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa The Hague matapos arestuhin dahil sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya ng ICC kaugnay ng madugong kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Aabot sa 6,000 ang naitalang patay sa ilalim ng anti-drug operations, ngunit ayon sa mga human rights group, maaaring pumalo sa mahigit 20,000 ang tunay na bilang ng mga napatay.
