Inilibot ni Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro ang mga miyembro ng media sa Shoe Museum kung saan tampok ang 381 pares ng sapatos ni dating First Lady Imelda Marcos at sa CPoint shoe manufacturing warehouse na nagpapakita ng aktwal na paggawa ng de-kalidad na sapatos sa lungsod. (Kuha ni ART TORRES)
TINATAYANG nasa 6,000 hanggang 7,000 Marikenyo ang umaasa pa rin sa industriya ng sapatos bilang pangunahing kabuhayan, ayon kay Rep. Marcy Teodoro nitong Miyerkules, Hulyo 9.
Ginawa ni Teodoro ang pahayag sa kanyang pagbisita at paglilibot sa makasaysayang Marikina Shoe Museum sa P. Rizal Street, sa gitna ng patuloy na pagtataguyod sa lungsod bilang Shoe Capital of the Philippines.
Aniya, ang Marikina shoe industry ay hindi lamang bahagi ng kasaysayan ng lungsod, kundi kabuhayan ng maraming pamilya.
“Kapag bumili ka ng sapatos mula sa Marikina, tatlo hanggang apat na katao ang natutulungan mo sa industriya ng paggawa ng sapatos,” ani Teodoro.
Ibinida rin ng kongresista ang koleksyon ng 381 pares ng sapatos ni dating Unang Ginang Imelda Marcos na donasyon ng Malacañang sa museo.
Aniya, si Marcos ay isa sa mga naging epektibong tagapagtaguyod ng sapatos na gawang Marikina, lokal man o sa ibang bansa.
Makikita rin sa museo ang mga sapatos na pagmamay-ari nina dating Pangulong Manuel L. Quezon at Ferdinand E. Marcos, Sr.
Dagdag pa ni Teodoro, ang kasanayan sa paggawa ng sapatos ay patuloy na pinangangalagaan ng mga lokal na manggagawang may dugong Filipino-Chinese.
Mula sa paggawa ng leather shoes, lumawak na umano ang industriya sa paggawa ng rubber shoes katuwang ang ibang probinsya para sa mga lokal na materyales.
Bukod sa industriya ng sapatos, kinikilala na rin ngayon ang Marikina sa larangan ng pagkain, dagdag pa ng kongresista.
Ang Marikina Shoe Museum, dating kilala bilang Marikina Footwear Museum, ay binuksan noong Pebrero 16, 2001. Isa rin itong makasaysayang lugar kung saan umano ikinulong si Heneral Macario Sakay, ang huling Pilipinong heneral noong panahon ng pananakop ng Espanya (1521–1898).
Ang gusali ay dating bahagi ng Hacienda Tuazon at ginawang himpilan ng mga Hapones noong World War II.
Sa gitna ng modernisasyon, iginiit ni Teodoro ang kahalagahan ng patuloy na suporta sa lokal na industriya ng sapatos na aniya’y hindi lamang simbolo ng Marikina kundi ng galing at sipag ng manggagawang Pilipino
