SUGATAN ang isang 29-anyos na babae matapos saksakin ng isang holdaper sa Samagta Floodway, Brgy San Juan, Taytay Rizal, nitong madaling araw ng Lunes, Hulyo 7.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station (MPS), bandang alas-4:20 ng umaga nang mangyari ang insidente sa tapat ng Blk 14, habang pauwi ang biktima na kinilalang si alyas Jona.
Ayon sa imbestigasyon, biglang lumapit ang suspek na nakilalang si alyas JR, 38-anyos, at nagdeklara ng holdap. Tumanggi umano ang biktima at nanlaban, dahilan upang saksakin siya ng suspek gamit ang patalim.
Nakuha ng suspek ang isang unit ng iPhone ng biktima bago tumakas patungong Eastbank Road, Floodway.
Agad namang naisugod si Jona sa Rizal Provincial Hospital System – Taytay Annex kung saan siya ay nilapatan ng lunas at kasalukuyang nasa stable na kondisyon.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit at follow-up operation ng Taytay Police para madakip ang tumakas na suspek.
