
Pinangunahan ni PBGen Jack L. Wanky, Acting Regional Director ng Police Regional Office CALABARZON (PRO 4A), ang Turn-Over of Command Ceremony para sa Rizal Police Provincial Office (PPO) at Laguna Police Provincial Office (PPO) na ginanap sa PRO 4A Multi-Purpose Center Hall, Camp BGen Vicente P. Lim, Calamba City, Laguna.
Sa Rizal PPO, pormal na iniwan ni PCOL Felipe B. Maraggun ang kanyang posisyon bilang Provincial Director at ipinasa ang pamumuno kay PCOL Feloteo A. Gonzalgo, ang bagong itinalagang hepe ng lalawigan.
Sa Laguna PPO, pinalitan naman ni PCOL Jonar R. Yupio si PCOL Ricardo I. Dalmacia bilang bagong Provincial Director.
Binigyang-diin ng turn-over ceremony ang patuloy na paninindigan ng Philippine National Police (PNP) sa maayos at epektibong transisyon ng pamumuno upang matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon at mataas na kalidad ng serbisyong pangkapulisan sa mga lalawigan ng Rizal at Laguna.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga opisyal, kawani, at iba’t ibang stakeholders mula sa Rizal at Laguna PPO, gayundin mula sa PRO CALABARZON.
