
Nakatakdang sundan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang yapak ng Pasig City sa pagtataguyod ng makabago at maalagang pasilidad para sa mga nakatatanda, ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro nitong Biyernes, Hulyo 4.
Kasunod ng kanyang pagbisita sa Magokoro Elderly Facility sa Pasig City kasama si Mayor Vico Sotto, sinabi ni Teodoro na layunin nilang pag-aralan at i-replika ang mga magagandang praktika ng ibang lungsod upang mapabuti pa ang serbisyong inilalaan ng Marikina para sa mga senior citizen.
“Bumisita kami sa Magokoro elderly facility sa Pasig City upang pag-aralan ang mga best practices na maaari rin naming ipatupad sa Marikina. Nais din naming iangat pa ang antas ng aming pangangalaga para sa ating mga lolo at lola,” ani Teodoro.
Inihayag ng alkalde na may plano rin ang Marikina na magpatayo ng isang geriatric center na tutok sa pangangailangan ng mga nakatatandang residente ng lungsod.
“Katulad ng Pasig, kami rin ay naghahanda para sa pagtatayo ng isang geriatric center sa Marikina — isang pasilidad na dedikado sa pangangalaga ng ating mga senior citizens,” dagdag pa niya.
Ang Magokoro facility sa Pasig, na binuksan noong Marso 21, 2025, ay bunga ng pakikipagtulungan ng Pasig City Government, Japan International Cooperation Agency (JICA), at INFIC Inc. — isang kumpanyang Hapones na dalubhasa sa elderly care.
May sukat itong 200 metro kuwadrado at idinisenyo para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga residente, tampok ang step-free flooring, handrails, at wheelchair-accessible washstands. Nag-aalok ito ng home care, day care, at short- at long-term stay services, sa tulong ng siyam na lokal na staff at tatlong Japanese specialists na nagsasanay rin sa mga pamilya para sa home care techniques.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, tinatayang aabot sa 11.6 milyon ang populasyon ng matatanda sa bansa pagsapit ng 2025, kaya’t inaasahang tataas pa ang pangangailangan sa mga serbisyong nakatuon sa elderly care.
Sa pamamagitan ng Japanese model ng rehabilitative at independence-focused care, layunin ng Pasig facility na itaas ang kakayahan ng lokal na sektor sa pagbibigay ng serbisyong geriatric.
Napili umano ng INFIC Inc. ang Pilipinas para sa kanilang unang international expansion dahil sa malakas na reputasyon ng bansa sa larangan ng caregiving.
Sa planong pagtayo ng kaparehong pasilidad sa Marikina, umaasa si Mayor Teodoro na makakabuo ng isang sistemang tunay na magbibigay-dangal, ginhawa, at kalidad na serbisyo para sa mga nakatatanda sa lungsod.
