
Quezon City – Ipinakilala ng National Academy of Science and Technology, Philippines (NAST PHL) ang mga bagong halal na miyembro, mga natatanging kabataang siyentipiko, at mga nagwagi sa NAST Talent Search for Young Scientists (NTSYS) sa isinagawang #PilipiNAST Kapehan nitong Biyernes, Hulyo 4, sa Eastwood Richmonde Hotel.
Ang NAST PHL ay isang attached agency ng Department of Science and Technology (DOST) na may mandatong kilalanin ang mga natatanging ambag sa larangan ng agham at teknolohiya, magbigay ng payo sa Pangulo at sa Gabinete, at magsagawa ng mga proyektong naglalayong paunlarin ang produktibidad sa agham.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Academician Jaime C. Montoya, Pangulo ng NAST PHL, na ang pagtitipon ay isang masayang okasyon para ipakilala ang mga bagong awardees sa publiko at sa media. Kanyang iniimbitahan din ang lahat na dumalo sa 47th Annual Scientific Meeting sa Hulyo 9–10 sa The Manila Hotel.
Ang mga bagong halal na miyembro ng NAST ay sina Dr. Leocadio S. Sebastian (Plant Breeding), Dr. Wilfredo Roehl V. Licuanan (Marine Ecology) at Dr. Charles V. Yu (Pulmonary/Infectious Disease).
Binigyang-diin ni Dr. Sebastian ang kahalagahan ng scholarship at ang hamon ng climate change adaptation. Ayon sa kanya, hindi ito simpleng eksperimento at nangangailangan ito ng masusing pag-aaral batay sa lokal na konteksto.
Samantala, iginiit naman ni Dr. Licuanan na kulang pa ang bansa sa konkretong datos at koordinadong sistema ng pagmamanman sa coral reefs. “Wala tayong sapat na mapa at datos na maaaring gamitin sa korte. Kaya hindi tayo makapagbigay ng matibay na ebidensiya hinggil sa sinasabing pagkasira ng coral reefs sa West Philippine Sea,” aniya.
Para naman kay Dr. Yu, na eksperto sa tuberculosis, kinakailangan umanong gawing “kaakit-akit” ang agham upang mas maraming kabataan ang maengganyong pumasok sa larangang ito.
“We have to make science and technology sexy,” pahayag niya.
Samantala ang mga natatanging kabataang siyentipiko ng 2025 (Outstanding Young Scientist) ay sina Dr. Rowalt C. Alibudbud – Psychiatry and Health Social Sciences; Dr. Garry A. Benico – Aquatic Bioscience; Dr. Jake Rom D. Cadag – Geography and Spatial Planning; Dr. Mark S. Calabon – Biological Sciences; Dr. Rolando T. Candidato, Jr. – Ceramic Materials and Surface Treatment (Physics); Dr. Fresthel Monica M. Climacosa – Molecular Medicine; Dr. Andres Philip Mayol – Mechanical Engineering; Dr. May Ann E. Mata – Interdisciplinary Studies/Applied Mathematics; Dr. Excel Rio S. Maylem – Animal Science; at Melissa P. Montecalvo – Plant Pathology.
Sa kani-kanilang mga pahayag, ibinahagi ng mga awardees ang kani-kanilang karanasan at ambag sa kani-kanilang larangan. Ilan sa kanila ay dati ring naging bahagi ng mga grassroots initiatives, tulad ni Dr. Mata na tumulong sa Davao City sa paglaban sa rabies gamit ang analytics dashboard. Si Montecalvo naman ay unang beses lang lumahok at agad na napabilang sa mga awardees ngayong taon.
Habang ang mga nagwagi sa 2025 Talent Search for Young Scientists ay sina Dr. Isaiah Paolo A. Lee (Molecular and Evolutionary Systems Biology), 1st Prize at Dr. Victor Manuel R. Aricheta (Mathematics), 2nd Prize.
Kabilang din sa mga dumalo sa programa si NAST Executive Director Luningning E. Samarita-Domingo, at ilang miyembro ng media na kinilala ni Dr. Montoya sa kanilang patuloy na suporta sa agham at teknolohiya.
Ang #PilipiNAST Kapehan ay isang serye ng dayalogo sa pagitan ng mga siyentipiko, mamamahayag, at science communicators. Layunin nitong ipakilala ang mga programa, aktibidad, at mga personalidad ng NAST, pati na rin ang mga isyung kinahaharap ng agham sa bansa.
Sa pamamagitan ng ganitong mga plataporma, layunin ng NAST PHL na palakasin pa ang ugnayan ng agham at lipunan, at itampok ang mahahalagang ambag ng mga Pilipinong siyentipiko sa pambansang kaunlaran.
