
Pormal nang itinalaga si Brigadier General Vincent Blanco III bilang bagong Commandant ng Philippine Marine Corps nitong huling linggo ng Hunyo 2025, kasunod ng pagreretiro ni Major General Arturo Rojas.
Bago maging pinuno ng Marines, nagsilbi si Blanco bilang deputy commandant at may malawak na karanasan sa iba’t ibang yunit ng Marine at intelihensiya. Nagsilbi rin siyang defense attaché sa Myanmar, at tumanggap ng mga tungkulin sa unified command at sa general headquarters ng AFP. Siya ay miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1991.
Inirekomenda ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ad interim appointment at promosyon ni Blanco bilang Major General noong Hunyo 27. Nakatakda siyang sumailalim sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso.
Isa sa mga pinaka-kilalang kontribusyon ni Blanco ay ang matagumpay na paglilipat ng 4th Marine Brigade mula Sulu patungong Burgos, Ilocos Norte – isang hakbang na tinawag niyang “matagal nang dapat ginawa” upang palakasin ang pambansang depensa sa hilagang bahagi ng bansa, lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa Taiwan Strait.
“Noon pa dapat ito ginawa, pagkatapos pa ng World War. Dapat matagal n’yo nang nakikita ang Marines at Army natin dito sa hilaga,” ani Blanco sa isang panayam noong 2024. “Territorial defense talaga ang pangunahing mandato natin, pero parang nakalimutan na natin dahil sa ilang dekada ng counter-insurgency at anti-terrorism operations sa south.”
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, unti-unting ginawang pangunahing base militar ng 4th Marine Brigade ang Camp Cape Bojeador sa Burgos, simula pa noong 2022.
Ang appointment ni Blanco ay bahagi ng mas malawak na reporma sa AFP, kasunod ng pormal na pag-shift ng bansa sa territorial defense posture batay sa National Security Policy 2023–2028 ni Pangulong Marcos. Kabilang sa mga hakbangin ng defense sector ang pagpapatupad ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept.
Si Blanco ay tubong Ilocos Norte at inaasahang magiging mahalagang lider sa patuloy na pagbabago sa oryentasyon ng militar mula internal security patungong depensang pang-teritoryo.
