
SHOOT sa kulungan ang 52-anyos na mister na wanted sa kasong multiple sexual offense matapos madakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang pagtugis sa akusadong si alyas “Joey”, na nakatala bilang No. 5 Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD) at No. 7 MWP naman sa Valenzuela police.
Sa kanyang ulat kay NPD Acting District Director P/BGen. Arnold Abad, sinabi ni Col. Bisayas na dakong alas-3:40 ng hapon nang maaresto ng kanyang mga tauhan ang akusado sa tinutuluyan nitong bahay sa Brgy. Isla.
Si ‘Joey’ ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Valenzuela City Family Court, Branch 16, para sa kasong Rape by Sexual Assault at Acts of Lasciviousness in relation to Section 5 (b) of Republic Act 7610 na may inirekomendang piyansa na P360,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
