
PASAY CITY — Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipatupad ang disiplina at habulin ang mga abusadong tsuper ng pampublikong transportasyon, isinailalim ng Land Transportation Office (LTO) ang paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa mas istriktong pagbabantay bilang isang “Discipline Zone.”
Pinangunahan ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagpapakalat ng mas maraming tauhan sa mga terminal ng NAIA upang magsagawa ng random inspections laban sa mga pasaway na PUV drivers, lalo na yaong sangkot sa overcharging o paniningil ng sobra sa mga pasahero.
“Ginagawa nating ‘Discipline Zone’ ang NAIA para tiyaking sumusunod sa batas ang mga driver ng pampublikong transportasyon. Simula pa lang ito,” ani Asec. Mendoza.
Noong Miyerkules, Hulyo 2, nasa 41 na taxi, motorcycle taxi, at iba pang sasakyan ang nainspeksyon sa NAIA Terminal 3. Dalawang sasakyan — isang taxi at isang motorcycle taxi — ang nahuling may expired registration at agad na ipinahimpil ng LTO.
Bukod sa inspeksyon, naglagay rin ng LTO personnel upang mag-abiso sa mga pasahero kung saan sila maaaring magsampa ng reklamo laban sa abusadong driver.
Nagbabala naman si DOTr Secretary Vince Dizon na mananagot hindi lang ang mga pasaway na tsuper kundi pati ang kanilang mga kumpanya, lalo na’t sunod-sunod ang viral na insidente ng pananamantala sa NAIA.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, plano ng ahensya na higpitan pa ang parusa, kabilang na ang pagdoble ng multa at mas agresibong impound ng mga sasakyan ng abusadong PUV drivers.
“Hindi kami magdadalawang-isip na ipahimpil ang mga sasakyang ginagamit sa pananamantala,” diin ni Mendoza.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pinalakas na kampanya ng gobyerno para tiyakin ang ligtas, maayos, at makatarungang transportasyon sa bansa.
