
BILANG bahagi ng ika-18th cityhood anniversary ng Navotas, pinasinayaan at pinabasbasan ang mga bagong pasilidad sa Navotas Polytechnic College na nagpapatibay sa pangako ng lungsod sa libreng de-kalidad na edukasyon.
Pinangunahan nina ni Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco, kasama ang iba pang mga opisyal ng lungsod ang inagurasyon ng bagong NPC na may 28 classrooms, limang computer laboratories, tatlong science labs, isang speech lab, isang library, indoor at outdoor cafés, at isang gymnasium.
“Mananatiling libre ang pag-aaral sa NPC,” paniguro ni Mayor Tiangco.
“Hindi lang tayo nagtataas ng mga gusali, binubuo natin ang kinabukasan ng kabataan,” pahayag niya.
Binigyang-diin ni Mayor Tiangco na ang edukasyon ang naglalatag ng batayan para sa isang mas malakas, mas progresibong Navotas.
“Holistiko ang ating pagtingin sa edukasyon—hindi lang ito tungkol sa pagtatapos o pagkakaroon ng diploma. Gusto nating hubugin ang mga Navoteñong may pagpapahalaga sa life-long learning at may tamang pagpapasya para sa sarili, pamilya, at komunidad,” aniya.
Samantala, sinabi ni Cong. Tiangco na tinugunan nito ang pamumuhunan ng lungsod ay idinisenyo para sa pangmatagalang panahon.
“Hindi lang ito para sa kasalukuyan. Ito ay paghahanda para sa kinabukasan ng ating mga kabataan at ng ating lungsod,” sabi niya.
“Sa bawat estudyanteng may natapos, may pamilyang umaangat, at may komunidad na mas umuunlad,” dagdag niya.
