
MANILA — Bagamat bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga pabahay sa Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2025, nananatiling mataas ang presyo ng mga ari-arian sa Metro Manila, na nagtala ng double-digit growth, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na inilabas noong Biyernes, Hunyo 27.
Ipinakita ng Residential Property Price Index (RPPI) ng BSP na tumaas ng 7.6 porsiyento ang presyo ng mga pabahay sa buong bansa mula Enero hanggang Marso, mabagal kumpara sa 9.8 porsiyentong pagtaas na naitala noong nakaraang quarter.
Pinanatili ng National Capital Region (NCR) ang pagiging pinakamahal na lugar para sa pabahay sa bansa, kung saan nagtala ng 13.9 porsiyentong pagtaas ang presyo ng residential properties — mas mabilis kumpara sa mga rehiyon sa labas ng NCR na nagkaroon lamang ng 3 porsiyentong pagtaas.
Ang pagtaas ng presyo ay pangunahing dahil sa tumaas na halaga ng mga condominium at bahay, na umakyat ng 10.6 porsiyento at 4.5 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.
Sa kategoryang bahay, kabilang dito ang mga single-attached o detached units, apartments, townhouses, at duplexes.
Ang Residential Property Price Index (RPPI) ay sumusukat sa average na pagbabago ng presyo ng iba’t ibang uri ng pabahay gamit ang aktwal na data mula sa mga pautang ng bangko para sa pabahay. Ito ay itinuturing ng BSP bilang mahalagang panukat para ma-assess ang kondisyon ng real estate at credit market ng bansa.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng BSP na ang bagong RPPI ang mas maaasahang panukat kumpara sa naunang ginagamit na Residential Real Estate Price Index dahil ito ay sumusunod sa mga global best practices.
Ang RPPI ay gumagamit ng hedonic regression method na mas tumpak sa pagsukat ng market trends dahil isinasaalang-alang nito ang mga espesipikong katangian ng ari-arian tulad ng lokasyon, laki, at uri.
Ito rin ay nagpapalawak ng saklaw upang isama ang mga bagong bahay, pre-owned, at foreclosed properties, at batay sa aktwal na acquisition costs sa halip na appraised values.
Dahil dito, ang RPPI ay nagbibigay ng mas matatag na index values at growth rates, kahit sa panahon ng market disruptions tulad ng pandemya.
