
SILAY CITY, NEGROS OCCIDENTAL — Trahedya ang sumalubong sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Silay matapos tumagilid ang sinasakyan nilang mini dump truck, Lunes ng umaga, Hunyo 27, sa Barangay Guimbalaon.
Ayon sa ulat ng Silay PNP, pito ang nasawi—lima ang dead on arrival sa ospital habang dalawa pa ang binawian ng buhay habang ginagamot. Labing-pito (17) ang sugatan, ilan sa kanila’y nasa kritikal na kondisyon.
Ayon kay Lt. Col. Mark Anthony Darroca, hepe ng Silay PNP, 24 katao ang sakay ng naturang dump truck—karamihan ay empleyado ng Silay LGU na galing sa isang tree planting activity at pauwi na sana sa lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang minamanehong truck habang pababa sa matarik na bahagi ng highway, kaya’t napilitang lumipat ng lane ang drayber upang umiwas sa bangin. Ngunit sa halip na makontrol, tumilapon at tumagilid ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
Ayon sa drayber, hindi niya kinaya ang bigat ng sakay at ang pababang kalsada, kaya’t hindi na gumana ang preno ng truck.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Silay City Rescue at dinala sa ospital ang mga biktima.
Matinding lungkot at pagkabigla ang bumalot sa buong pamahalaang lungsod at mga pamilya ng mga nasawi. Inaasahang maglalabas ng opisyal na pahayag si Mayor Joedith Gallego kaugnay ng insidente at suportang ibibigay sa mga pamilya ng mga biktima.
Imbestigasyon pa rin ang isinasagawa upang malaman kung may kapabayaan sa maintenance ng sasakyan o kung may pananagutan ang driver o sino mang responsable sa biyahe.
