
STA. CRUZ, Laguna — Arestado ang dalawang lalaking kabilang sa listahan ng Regional Most Wanted Persons na may kasong murder kaugnay ng pagpaslang sa isang pulis mahigit dalawang dekada na ang nakararaan, sa magkahiwalay na operasyon ng Sta. Cruz Municipal Police Station nitong Martes, Hunyo 24, 2025.
Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Rey” at “Pogpog”, kapwa residente ng bayan ng Nagcarlan, Laguna.
Ayon sa ulat ni PLt. Col. Alexander Alvarez, Officer-in-Charge ng Sta. Cruz MPS, kay PBGen. Jack L. Wanky, Acting Regional Director ng PRO CALABARZON, unang naaresto si alyas “Rey” bandang 12:30 ng tanghali sa Brgy. Calumpang, Nagcarlan. Kasunod nito, nadakip naman si alyas “Pogpog” bandang 2:59 ng hapon sa Brgy. Poblacion III, Sta. Cruz.
Ang mga suspek ay may nakabinbing Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 28, Sta. Cruz, Laguna noong Pebrero 24, 2003, dahil sa kasong Murder na may kaugnayan sa pagpaslang kay dating SPO1 Julio Sulit.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga suspek, na ngayon ay nasa kustodiya na ng Sta. Cruz Municipal Police Station. (Ulat nina Koi Hipolito at Erichh Abrenica)
More Stories
Most Wanted sa carnapping, kusang sumuko sa Caloocan Police
Radio DJ Nicole Hyala, ibinunyag na may thyroid cancer: “Mali ka ng kinalaban!”
Johann Chua wagi sa all-Filipino finals ng 2025 9-Ball 99 David Loman Cup