June 26, 2025

TESTIGO SA KATIWALIAN VS BIÑAN MAYOR, PINATAHIMIK NG BALA

Patay ang isang testigo at complainant sa kasong katiwalian laban sa alkalde ng lungsod at isang pribadong kontraktor matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin nitong Martes ng umaga, Hunyo 24, 2025.

Kinilala ang biktima na si Phoebe Dawn Marie Monton, 36 anyos, residente ng Brgy. San Antonio. Isa siya sa mga pangunahing testigo sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y maanomalyang pagpapalawak ng Ospital ng Biñan (OSBIN) na pinondohan ng daan-daang milyong piso.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kagagaling lamang ng biktima mula sa pagdinig sa Biñan City Regional Trial Court nang lapitan siya at paulit-ulit na barilin ng salarin sa labas ng gusali.

Ayon sa mga saksi, walang takip sa mukha ang gunman at mabilis itong tumakas patungong direksyon ng Olivarez stoplight matapos ang krimen.

Agad isinugod sa pagamutan si Monton, ngunit idineklara rin siyang dead on arrival ng mga doktor.

Patuloy ang masusing follow-up investigation ng mga awtoridad, kabilang ang CCTV backtracking sa paligid ng pinangyarihan ng insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa pamamaslang. (KOI HIPOLITO)