
RIZAL — Isang matibay na pahayag laban sa kriminalidad ang muling ipinamalas ng Rizal Police Provincial Office (PPO) matapos mahuli ang apat na most wanted na indibidwal sa magkakahiwalay na operasyon nitong Hunyo 24, 2025.
Hindi alintana ang edad, estado, o kinaroroonan — lahat ay pinuntirya at tuluyang nalambat ng otoridad. Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Rizal PNP upang iparamdam sa mga kriminal na hindi sila ligtas kahit pa lumipas ang panahon.
Nahuli sa Brgy. Macabud, Rodriguez si Alyas Teodulo, 72-anyos, dahil sa dalawang kaso ng Attempted Murder. Ayon sa ulat, sangkot siya sa isang insidente ng pamamaril noong 2019 sa Brgy. San Jose, kung saan binaril ang dalawang lalaking abalang naglilinis ng motorsiklo. Anim na taon ang lumipas bago siya tuluyang natunton ng pinagsanib na puwersa ng 404th MC RMFB4A at San Mateo MPS.
Sunod na inaresto si Alyas Mhelwin, 31-anyos, sa Jalajala, dahil sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 (droga), kung saan walang piyansang itinakda. Sa parehong araw, isinilbi rin ang warrant of arrest kay Alyas Shan, 22-anyos, habang nakakulong sa BJMP San Mateo para rin sa kasong droga.
Sa Tanay, tuluyan nang isinilbi ang warrant kay Alyas Benjie, 57-anyos na tricycle driver na nakapiit na rin sa Tanay Custodial Facility. Siya ay nahaharap sa dalawang kaso ng paglabag sa Dangerous Drugs Law na walang piyansa.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga istasyon ng pulisya para sa karampatang dokumentasyon at legal na proseso. Inabisuhan na rin ang mga korte na naglabas ng kani-kanilang warrant of arrest.
More Stories
CIDG, huwag palagpasin ang ‘Payola Ops’ sa loob ng hanay
PBBM PINANGUNAHAN PAGWASAK SA P9-B DROGA
BIKER PATAY SA BUNDOL NG SUV SA SHAW BOULEVARD