June 21, 2025

Angkas CEO George Royeca, nanguna sa dayalogo sa MMDA: ‘Igalang ang dignidad ng motorcycle riders’

Hunyo 20, 2025 | Maynila — Sa isang makasaysayang dayalogo na pinangunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Angkas, naging sentro si Angkas CEO George Royeca sa pagsusulong ng kapakanan ng libu-libong motorcycle riders sa Metro Manila.

Dinaluhan ng iba’t ibang grupo mula sa motorcycle taxi platforms, delivery riders, biker clubs, safety advocates, at motorcycle rights organizations, layon ng pulong na talakayin ang mga kontrobersyal na isyu gaya ng No Contact Apprehension Policy (NCAP), motorcycle lanes, at kaligtasan sa kalsada.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Royeca na panahon na para kilalanin ang motorcycle riders hindi bilang abala kundi bilang katuwang sa pagresolba ng trapiko at pagbibigay serbisyo sa publiko.

“Ang mga motorcycle riders ay hindi kalaban. Sila ay frontliners sa kalsada—naghahatid, nagsusundo, nagseserbisyo. Ang kanilang kabuhayan ay dapat pangalagaan at igalang,” ani Royeca.

Kaugnay nito, inanunsyo ng MMDA ang pilot testing ng isang dedicated livelihood motorcycle lane sa Commonwealth Avenue na nakalaan para sa mga motorcycle taxis at delivery riders. Ayon sa MMDA, layon nitong masiguro ang kaligtasan sa kalsada at kilalanin ang mahalagang papel ng motorcycles sa transport system.

Nagpasalamat si Royeca sa MMDA sa pagbubukas ng pinto para sa dayalogo.

“Ang Angkas ay patuloy na makikipagtulungan sa pamahalaan upang gawing mas propesyonal ang industriya ng motorcycle transport. Malaking bagay na pinakinggan tayo ng MMDA,” dagdag pa ni Royeca.

Binigyang-diin din ni MMDA Chairman Don Artes na paiigtingin ang kampanya laban sa mga kolorum at makikipag-ugnayan sila sa mga platform gaya ng Angkas upang matiyak ang legalidad ng mga riders.

Ang dayalogo ay isa sa pinakakomprehensibong pulong sa pagitan ng gobyerno at motorcycle community—isang patunay na unti-unti nang binibigyang-boses ang mga manggagawang nasa dalawang gulong.