
TAGAYTAY CITY, Cavite — Tatlong katao ang nasawi, kabilang ang isang buntis, habang lima naman ang sugatan matapos ang banggaan ng isang kotse at van sa kahabaan ng By-Pass Road, Barangay Zambal, Tagaytay City, dakong hatinggabi ng Martes, Hunyo 17, 2025.
Ayon sa ulat ng Tagaytay City Police Station sa pangunguna ni PLtCol. Jefferson Ison, isang Toyota Corolla na kulay pink ang binangga ng isang Nissan Grand Livina XR Luxury Van na minamaneho ng isang 18-anyos na lasing na lalaki na kinilalang si alyas “Francesco”, residente ng Mendez, Cavite. Sakay ng van ang apat pa nitong kapwa senior high school graduate.
Sa lakas ng banggaan, nasawi sa insidente ang tatlong sakay ng Corolla na sina Jemar Pelias, 47, residente ng Brgy. Manggas II, Alfonso, Cavite; Jenalyn Emberga, na tubong San Fernando, Pampanga; at isang hindi pa nakikilalang pasahero, na ayon sa mga rumesponde ay isang babae at buntis
Batay sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng Corolla ang direksyong west to east patungong Brgy. Guinhawa, habang ang van ay galing sa east patungong west sa direksyon ng Alfonso. Nawalan umano ng kontrol ang van at sumalpok sa kabilang linya, direktang bumangga sa paparating na kotse.
Dahil sa lakas ng salpukan, nayupi ang buong harapan ng kotse. Agad isinugod ng Alfonso Rescue Team ang lahat ng biktima sa Poblete Medical Center, ngunit idinakilang dead on arrival sina Pelias at Emberga dakong alas-1:40 ng madaling araw. Sumunod na binawian ng buhay ang ikatlong pasahero habang nilalapatan ng lunas.
Samantala, patuloy na inoobserbahan sa parehong ospital ang limang sakay ng van kabilang si Francesco, na ngayon ay nahaharap sa kasong Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries, at Damage to Property.
Patuloy ang isinasagawang mas malalim na imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa insidente. (Ulat ni KOI HIPOLITO)
More Stories
₱1.6-M shabu nakumpiska; 4 na tulak timbog sa Rizal at Batangas
Ginang dinukot at tinangayan ng SUV sa Laguna; 2 suspek arestado sa Quezon
Lasing na driver at may-ari ng van na sangkot sa Tagaytay tragedy, inisyuhan ng SCO ng LTO