
Isang makabuluhang hakbang tungo sa mas matatag na ugnayan sa ekonomiya at pagpapasigla ng pamumuhunan ang naisakatuparan ng Pilipinas at ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) matapos matagumpay na maisagawa ang unang round ng negosasyon para sa isang tax treaty.
Pinangunahan ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang negosasyon para sa Comprehensive Agreement for the Avoidance of Double Taxation and the Prevention of Fiscal Evasion with Respect to Taxes on Income (CDTA) mula Mayo 21 hanggang 23, 2025.
Layunin ng kasunduang ito na alisin ang double taxation sa kita, pigilan ang fiscal evasion, isulong ang kalakalan at pamumuhunan, pahusayin ang palitan ng impormasyon, at bawasan ang mga hadlang sa buwis para sa mga negosyo at indibidwal—lahat bilang suporta sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lumikha ng isang patas, malinaw, at investor-friendly na sistema ng pagbubuwis.
“Pinupuri ko ang Revenue Operations Group at ang BIR sa matagumpay na pagpapatakbo ng negosasyong ito. Ito’y hindi lamang pagpapatibay ng bilateral relations, kundi isang konkretong hakbang patungo sa mas malalim na integrasyon sa rehiyon at mas mataas na kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa Pilipinas,” ani Finance Secretary Ralph G. Recto.
Sa loob ng tatlong araw na talakayan, parehong panig ang nagkasundo sa karamihan ng mahahalagang probisyon ng draft agreement sa pamamagitan ng masusing article-by-article discussion.
Ipinahayag naman ni Inland Revenue Commissioner Sze-wai Benjamin Chan ng Hong Kong ang kahalagahan ng CDTA, na aniya’y “maingat at masinsinang pag-uusap upang matamo ang kapwa kapaki-pakinabang na resulta.”
“Nagpapasalamat kami sa Pilipinas sa pagtanggap ng imbitasyon para sa unang round ng negotiations. Umaasa akong magiging mabunga ang mga talakayan at magreresulta ito sa pagkakasundo sa kabuuang teksto ng kasunduan,” dagdag ni Chan.
Kasama sa Philippine delegation sina BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr., DOF Assistant Secretary Dakila Elteen M. Napao, Director IV Euvimil Nina R. Asuncion, at iba pang opisyal mula sa BIR. Sumaksi rin sa mga pulong ang mga kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Consulate General sa Hong Kong sa pangunguna ni Consul General Romulo Victor M. Israel, Jr.
Nakatakdang isagawa ang ikalawang round ng negosasyon sa Oktubre ngayong taon, at kapwa panig ay nakatuon sa layuning ma-finalize ang CDTA sa lalong madaling panahon.
More Stories
Comelec division idineklarang panalo si Abante sa Manila 6th District
Lola, todas 2 pa sugatan sa aksidente sa kalsada sa Valenzuela
HVI, tiklo sa P544K shabu sa Valenzuela