June 19, 2025

PETISYON KONTRA DUTERTE YOUTH PINABORAN NG COMELEC

Ikinatuwa ng mga petitioner at kanilang legal counsel ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) Second Division na i-cancel ang rehistrasyon ng Duterte Youth party-list, na idineklarang “void ab initio” o walang bisa mula sa simula pa lamang.

Sa pahayag ni Atty. Emil Marañon III, abogado ng mga petitioner na sina Reeya Beatrice Magtalas, Abigail Aleli Tan, Raainah Punzalan, at Aunell Ross Angcos, binigyang-diin niyang tagumpay ito para sa batas at hustisya, at isang mahalagang hakbang upang itama ang mga pagkukulang sa proseso.

“Ang desisyong ito ay hindi lang nagtutuwid sa procedural error na pinayagang sumali sa halalan ang isang party-list na hindi naman valid ang rehistro, kundi ito rin ay pagpapatibay ng rule of law,” ani Marañon.

Ayon sa COMELEC ruling, nabigo ang Duterte Youth na tuparin ang requirement sa publication sa ilalim ng 1987 Constitution at Republic Act No. 7941 (Party-List System Act) — pagkukulang na inamin mismo ng Duterte Youth sa kanilang isinumiteng dokumento.

Bukod pa rito, binanggit din sa petisyon ang diumano’y paggamit ng Duterte Youth ng pekeng pangalan ng nominee para sa darating na 2025 elections, na tinawag ng mga petitioner na isang “brazen and shameless” na hakbang.

Bagamat may opsyon ang Duterte Youth na magsampa ng motion for reconsideration o iakyat ang kaso sa Korte Suprema, tiniyak ng mga petitioner na kanilang ipagpapatuloy ang laban hanggang maging pinal ang desisyon. “Mabuhay ang tunay na kabataan,” pagtatapos ng pahayag ng mga petitioner.