June 15, 2025

BARIL NG PULIS, PALITAN NG BOLO – PNP CHIEF TORRE (‘Pag di pumasa sa marksmanship)

Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na ang mga pulis na hindi pumasa sa marksmanship o pagsusulit sa tamang paggamit ng baril ay tatanggalan ng service firearm at papalitan ng bolo.

Sa panayam ng media matapos ang PNP Press Corps Shootfest sa Quezon City nitong Biyernes, inihayag ni Torre na simula Hulyo ay magsasagawa ng marksmanship examination ang PNP, una para sa mga opisyal na nasa matataas na posisyon, kasunod ang mga nakabababang ranggo kabilang ang mga patrolman.

“May mga datos tayo na may mga pulis na hindi marunong bumaril. Kaya ako’y magpapa-procure na ng bolo sa ating R4 para palitan ang baril nila,” biro ni Torre.

“Pero seryoso, hindi katanggap-tanggap na ang pulis ay hindi marunong gumamit ng baril. Kapag hindi pumasa sa classification standards, kukumpiskahin ang kanilang baril at ipapasailalim sa panibagong training.”

Ang marksmanship ay itatakdang batayan sa promosyon at pagtalaga ng mga pulis sa mga sensitibong posisyon. Ayon kay Torre, ito ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng kanyang pamunuan upang tiyakin na ang mga miyembro ng kapulisan ay handang gumamit ng baril sa tamang paraan, lalo na sa panahon ng panganib.

Upang suportahan ito, nilagdaan na umano ni Torre ang procurement para sa karagdagang bala na gagamitin sa mga training exercises ng kapulisan bago ang pagsusulit.

Bagamat ang paggamit ng baril ay itinuturing na pinakahuling opsyon sa isang operasyon, iginiit ni Torre na mahalagang may sapat na kasanayan ang bawat pulis sa tamang paghawak at pagputok ng kanilang sandata.

“Walang lugar sa PNP ang hindi marunong bumaril,” aniya.

Nagpakita rin ng paninindigan ang PNP Chief, na nagsabing handa siyang magretiro kung sakaling siya mismo ay bumagsak sa naturang pagsusulit.

“Ako mismo ang mangunguna sa exam. Kapag bumagsak ako, magre-retire ako. Gano’n kaseryoso ang ating kampanya.”

Sa ilalim ng panibagong liderato, tinututukan ng PNP ang disiplina at kahusayan ng mga tauhan nito—isang hakbang na layuning pataasin ang tiwala ng publiko sa kapulisan at palakasin ang kanilang kakayahang tumugon sa banta ng kriminalidad.