June 15, 2025

P20/KILO NG BIGAS ALOK NG DA AT DOLE PARA SA MINIMUM WAGE EARNERS

MANILA — Opisyal nang inilunsad ng Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang “Benteng Bigas Meron Na” program na nag-aalok ng bigas sa halagang P20 kada kilo para sa mga minimum wage earners.

Ginanap ang paglulunsad sa Manila Harbour Center sa Mel Lopez Boulevard, Tondo, Manila. Ayon sa ulat, malaking tulong ang mababang presyo ng bigas para sa mga manggagawang may limitadong budget.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng programa na mabawasan ang gastusin ng mga nasa vulnerable sector at mga may limitadong kakayahan sa pananalapi.

Maaari nang direktang makabili ang mga minimum wage earners ng P20/kilo na bigas mula sa kanilang mga kumpanya, ayon sa paglilinaw ng DA at DOLE. Samantala, ang mga senior citizens, buntis, Persons with Disabilities (PWDs), at mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay maaaring bumili ng bigas sa mga Kadiwa Centers.

Nilinaw ng DOLE na may humigit-kumulang 120,000 minimum wage earners sa buong bansa ang naka-prelistang makinabang sa programa. May limitasyon sa pagbili na 10 kilo ng bigas kada buwan para sa bawat benepisyaryo.

Bagamat nasa pilot run pa lamang ang programa, sinabi ni Laurel na palalawakin nila ang saklaw nito sa mga susunod na araw upang mas marami pang tao ang makabili ng abot-kayang bigas.

Noong Mayo, inanunsyo ng DA sa isang ambush interview sa Muntinlupa City ang planong ilunsad ang pilot run ng programa ngayong Hunyo bilang bahagi ng pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pababain ang presyo ng bigas.

“Ang mga manggagawa ay bahagi ng mga organisasyon o kumpanya na handang sumali sa pilot test. Pero siyempre, itong ginagawa natin, ‘di naman ibig sabihin na limitado doon,” paliwanag ni Laurel.