
Mahigit isang daang miyembro ng University of the Philippines (UP) College of Law faculty ang lumagda sa isang pahayag na nananawagan sa Senado na tuparin ang konstitusyonal nitong tungkulin at ituloy ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Sa bukas na liham na inilathala nitong Hunyo 5, ipinahayag ng mga propesor ang kanilang matinding pagkabahala sa mga hakbang para isantabi o isailalim sa maagang pagbasura ang reklamong impeachment laban kay Duterte. Tinuligsa nila ang mga batayang inilahad ng ilang senador — partikular ang umano’y paglabag sa karapatan ni Duterte sa “mabilis na paglilitis” at ang argumento na ang Senado ay hindi isang “continuing body.”
“Ang mga basehang ito ay walang sapat na batayan sa mga aktuwal na pangyayari at salungat sa tamang pagbasa ng Saligang Batas,” saad ng pahayag.
Idinagdag pa ng mga propesor na ang maagang pagbasura sa kaso ay makasisira sa prinsipyo ng checks and balances, samantalang ang pagpapatuloy ng paglilitis ay magpapatibay sa tungkuling itinalaga ng Konstitusyon sa Senado sa usapin ng public trust at accountability.
“Kami ay taimtim na nananawagan sa ating mga iginagalang na Senador: hayaang lumitaw ang katotohanan,” dagdag pa ng liham. “Tugunan ng Senado ng Pilipinas ang kanyang konstitusyonal na obligasyon na forthwith proceed sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.”
Kinumpirma nina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Imee Marcos, kapwa kaalyado ng Pangalawang Pangulo, na may umiikot nang draft Senate resolution na layong pigilan ang pagsisimula ng paglilitis. Si Dela Rosa mismo ang umako sa pagbuo ng naturang resolusyon, habang sinabi naman ni Marcos na isa lamang ito sa maraming bersyong pinag-aaralan.
Ayon kay Rep. Leila de Lima, isa sa mga miyembro ng House prosecution panel, hindi maaaring magdesisyon ang Senado hinggil sa kapalaran ng reklamo hangga’t hindi pa ito pormal na nagsasagawa ng impeachment proceedings.
Si VP Sara Duterte ang kauna-unahang Bise Presidente na na-impeach ng Kamara matapos lagdaan ng 215 mambabatas ang reklamong inihain noong Pebrero. Kabilang sa mga alegasyon laban sa kanya ang diumano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds ng mga ahensyang kanyang pinamumunuan.
Sa ilalim ng proseso, ang Senado ang magsisilbing impeachment court, habang magsisilbing taga-usig ang ilang miyembro ng Mababang Kapulungan.
Gayunpaman, ipinagpaliban ni Senate President Chiz Escudero ang pagbasa ng Articles of Impeachment mula Hunyo 2 patungong Hunyo 11, sa gitna ng mga mungkahing ihinto na ang kaso.
Pinabulaanan din ng mga UP law professors ang argumento ni Dela Rosa na nilalabag ang karapatan ni Duterte sa mabilis na paglilitis dahil sa pagkaantala ng pagdinig. Ayon sa kanila, ang impeachment ay isang “sui generis” o natatanging uri ng proseso, at hindi ito saklaw ng mga ordinaryong batas ukol sa judicial o administrative proceedings.
Dagdag nila, ang mga kasong Neri v. Senate at Balag v. Senate — na madalas gamiting batayan ng “non-continuing body” argument — ay hindi angkop sa impeachment, dahil ang mga ito ay may kinalaman lamang sa legislative inquiries.
“Ang impeachment ay hindi karaniwang gawain ng lehislatura, kundi isang natatangi at mahalagang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon,” giit nila.
Hinimok rin ng mga propesor ang Senado na ituring ang impeachment bilang isang oportunidad upang pag-usapan ang malalaking isyu ng bayan hinggil sa good governance. Hindi umano nila kinakampihan ang alinmang panig — ang hangad nila ay mailahad ang katotohanan sa harap ng taumbayan.
“Sa mga panahong ito ng krisis, ang Senado ang tinitingala ng sambayanan bilang tagapagsulong ng katotohanan at hustisya,” wika ng liham.
“Bilang mga guro at iskolar ng batas, naniniwala kaming ang maagang pagbabasura sa kaso, nang hindi man lamang nakaririnig ng kahit isang testigo, ay pagtalikod sa dangal ng Senado bilang isang institusyon ng pananagutan.”
More Stories
CHARO AT DINGDONG, MAY HALIKAN SA BAGONG ROMCOM?
MATAPOS ANG NETFLIX, IBA PANG APP TATAAS NA RIN ANG PRESYO DAHIL SA VAT
“3 Pinoy Seaman Nakakulong sa Algeria, Mga Asawa nagpasaklolo kay PBBM