Ryan San Juan

Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang proseso ng pagsira at pagtatapon sa mahigit 6.7 milyong hindi nagamit na opisyal na balota na orihinal sanang para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Commissioner Rey Bulay, na namumuno sa Committee on Ballot Printing, ang hakbang na ito ay alinsunod sa batas na nag-aatas na wastong itapon at sirain ang lahat ng hindi nagamit na balota at iba pang accountable forms upang hindi na magamit sa alinmang eleksiyon sa hinaharap.
“Wala po kaming itinagong proseso sa inyo… mula pag-imprenta hanggang deployment ng balota — at ngayon, sa pagsunog ng mga hindi valid na balota para hindi na ito magamit kailanman,” pahayag ni Bulay sa mga mamamahayag.
Ayon kay Bulay, dapat matapos ang proseso ng pagsira ng mga balota sa loob ng 10 araw, at dadalhin ang mga ito sa tunayang pasilidad sa Pampanga para tuluyang sunugin.
Batay sa datos ng Comelec, kabuuang 6,730,969 opisyal na balota at 32,680 accountable forms ang isinasailalim sa disposal at destruction.
Nilinaw din ni Bulay na hindi ginastusan ng Comelec ang mga balotang hindi nagamit, dahil nakasaad sa kontrata na Comelec ay magbabayad lamang sa mga balotang ginamit at valid.
“Ang mga ito ay hindi binayaran. Itinuturing itong production losses na sagot ng provider — ‘yun po ang nakasaad sa aming kontrata,” ani Bulay.
Samantala, kinumpirma rin ni Bulay na natapos na niya ang draft ng resolusyon kaugnay ng kasong kinakaharap ng Duterte Youth party-list, at hinihintay na lamang ang lagda ng iba pang commissioner ng Second Division.
Nilinaw ni Bulay na matagal nang nakabinbin ang kaso, noon pa mang panahon ng nakaraang komposisyon ng Comelec, at wala umanong intensyon ang kasalukuyang komisyon na ipagpaliban o patagalin ang desisyon.
“Nag-commit po si Chairman na bago mag-July 1, ay matapos ang karamihan ng mga isyu. Kung natatagalan man, ito po ay dahil marami rin kaming kasong tinatalakay,” dagdag ni Bulay.
Tiniyak ng Comelec na tuloy-tuloy ang paglilinis at pagsasaayos ng mga proseso sa ilalim ng kanilang mandato upang mapanatili ang integridad ng halalan.
