June 26, 2025

MMDA planong pagsamahin ang motorsiklo at bisikleta sa EDSA bike lane

MANILA — Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang planong gawing shared lane para sa motorsiklo at bisikleta ang mga bike lanes sa EDSA bilang bahagi ng mga paghahanda sa nalalapit na rehabilitasyon ng pangunahing kalsada ng Metro Manila.

Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, pansamantalang isasara ang isang lane sa EDSA nang paisa-isa para sa construction, kaya limitado ang espasyo sa kalsada. Upang mapanatili ang daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga rider, pag-aaralan ang pag-share ng bike lanes ng motorsiklo at bisikleta.

“Masikip ang lanes kaya delikado kapag nagsisiksikan ang mga motorsiklo at bisikleta sa iisang lane,” ani Artes sa isang press briefing nitong Mayo 26.

Kasabay nito, aalisin ang protective barriers na naghihiwalay sa bike lanes at mga sasakyan, at ipagbabawal ang paggamit ng overpass at underpass ng mga motorsiklo. Hindi pa tukoy kung kailan eksaktong ipatutupad ang mga pagbabago.

Target ng gobyerno na matapos ang rehabilitasyon ng EDSA sa 2027.

Ngunit tinutulan ito ng active transport group na AltMobility, na nagsabing delikado ang shared lane at mas mainam kung may hiwalay na exclusive lanes para sa motorsiklo at bisikleta. Nanawagan din sila na i-convert ang regular lanes ng kotse para sa mga two-wheeler upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Magkakaroon pa ng konsultasyon ang MMDA sa mga stakeholders kabilang ang motorcycle ride-hailing firms, cycling groups, at Department of Transportation bago finalisahin ang desisyon.